-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patuloy na ginagamot sa ospital ang labing-apat (14) na indibidwal matapos makakain ng mga buto ng kasla o tuba-tuba sa Sitio Kolondafok, Barangay Topland, Koronadal City.

Sa kabuuan, labing-lomang (15) indibidwal, kabilang ang mga bata, ang nakakain ng nasabing mga buto matapos mapanood ng isang walong taong gulang na bata sa YouTube ang video ng mga taong kumakain nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Pamela Lasib, ina ng isa sa mga batang nakakain ng mga buto, sinabi nitong kumuha ng maraming buto ng tuba-tuba ang walong taong gulang na bata matapos mapanood ang nasabing video.

Kabilang sa mga nakatanggap ng mga buto ang pitong taong gulang na anak ni Lasib.

Ayon sa kaniya, hindi na namalayan ng mga bata na mga buto pala ng tuba-tuba ang kanilang kinain dahil naalis na ang mga balat ng mga ito bago ipinamahagi.

Maging ang isang 44-anyos ay nakakain din nito nang hindi nalalaman kung ano ang mga ito.

Ilan sa mga nakakain ng nasabing mga buto ang nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagkahilo at pakiramdam na parang nasusunog ang lalamunan. Gayunman, sinabi ni Lasib na wala pang nararanasang sintomas ang kaniyang anak at ang ilan pang nakakain nito.

Dahil sa insidente, nanawagan si Lasib sa mga magulang na mahigpit na bantayan ang kanilang mga anak, partikular sa mga pagkaing kanilang kinakain at mga video na pinapanood sa online.

Kaugnay nito, nagpaalala rin ang Koronadal City Health Office sa publiko na huwag basta-basta tumulad sa mga nakikita sa social media, lalo na kung may kinalaman ito sa pagkain ng mga halaman o buto na hindi tiyak ang kaligtasan.

Ang kasla (scientific name: Jatropha curcas), na kilala rin sa tawag na tuba-tuba, tubang-bakod, o physic nut, ay isang ligaw na halamang ang mga buto at bunga ay lubhang nakalalason sa tao.

Bakit ito mapanganib?
– Curcin: Isang nakalalasong protina na pangunahing matatagpuan sa mga buto ng halaman.
– Purgative oil: Naglalaman ng langis na maaaring magdulot ng matinding iritasyon sa sistema ng pagtunaw.
– Iba pang lason: Mayroon itong iba pang nakalalasong sangkap na maaaring magdulot ng pagsusuka, pagtatae at iba pang seryosong epekto sa katawan.
– Kahit kaunting dami ay mapanganib: Ang pagnguya at pagkain ng mga buto nito ay maaaring magdulot ng matinding pagkalason sa mga bata at matatanda.

Kasabay nito, hinikayat niya ang mga magulang na masusing subaybayan ang mga pinapanood ng kanilang mga anak sa internet at paalalahanan ang mga ito na huwag basta-basta tumikim ng mga pagkaing hindi nila nakikilala.

Mahalaga ring kumonsulta sa mga eksperto upang matiyak ang kaligtasan at maiwasan ang mga insidente ng pagkalason.