-- ADVERTISEMENT --

Kinuwestiyon ng aktres na si Rica Peralejo ang planong paglalagay ng registration seal sa mga online platform ng content creators at iba pang digital earners na isinusulong ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa kaniyang post sa Threads, ibinahagi ni Peralejo na nagbabayad na siya ng buwis mula nang magsimula siyang umarte sa edad na 13, kaya hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa niyang magpakita ng naturang registration seal.

Ayon sa aktres, mas mauunawaan sana niya ang pagpapatupad ng panibagong requirement kung walang mga tiwaling opisyal na umano’y nagnanakaw sa pera ng taumbayan.

Ipinahayag din ni Peralejo ang kaniyang pagkadismaya sa pagtatakda ng deadline para maipaskil ang registration seal sa kanilang mga online platform. Aniya, nakadaragdag ito sa kaniyang pagkadismaya sa gitna ng mga isyu ng korapsyon sa pamahalaan.

Saklaw ng planong ito ng BIR ang mga online seller, freelancer, propesyonal, vlogger, influencer at iba pang indibidwal na kumikita sa pamamagitan ng digital platforms.

Samantala, patuloy na pinag-uusapan ang panukalang hakbang, lalo na ang epekto nito sa mga digital content creator at iba pang online earners na may obligasyong magparehistro at magbayad ng buwis.