Nabigo ang isang buy-bust operation na maaresto ang target na suspek matapos itong makatakas sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO12 Regional Special Enforcement Team sa Purok Maunlad, Barangay Silway 8, Polomolok, South Cotabato noong Oktubre 21, 2026.
Gayunman, nasamsam ng mga operatiba ang 11 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiyang hinihinalang shabu, na may tinatayang standard drug value na ₱3,651,600.
Narekober din sa lugar ang isang tunay na ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money. Ang target ng operasyon ay kinilala lamang sa alyas na “Gaga,” na nakatakas bago madakip ng mga awtoridad.
Dahil dito, inilunsad ang hot pursuit operation upang matunton at maaresto ang suspek. Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng PDEA RO12–Sultan Kudarat Provincial Office at Polomolok Municipal Police Station.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, tiniyak ng PDEA RO12 na patuloy itong makikipagtulungan sa mga katuwang na ahensiya sa pagpigil sa ilegal na kalakalan ng droga at pagprotekta sa mga komunidad laban sa masasamang epekto nito.













