-- ADVERTISEMENT --

Pormal na binago ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) ang kanilang trial brief upang tanggalin ang lahat ng reperensya sa “Incident 57”. Ito ay matapos magpasya ang ICC Trial Chamber III na ang nasabing pagpatay ay naganap sa labas ng itinakdang panahon para sa mga kinumpirmang sakdal.

Ang tinanggal na insidente ay isang umano’y pagpatay sa isang high-value target sa giyera kontra droga. Bagamat pasok ito sa heograpiya ng kaso, ang petsa nito ay lumagpas sa saklaw ng Count 2 (Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017) na siyang aprubadong panahon ng mga opisyal na sakdal.

Dahil sa pagbabago, 56 na insidente na lamang ang natira sa trial brief mula sa orihinal na 57 na gustong idagdag ng prosekusyon. Una nang nakumpirma ang 49 na mga pangunahing dokumentadong insidente.

Sa kabila ng pagbura sa mismong krimen mula sa partikular na sakdal, binigyang-diin ng prosekusyon na hindi nila babaguhin ang kanilang listahan ng saksi at ebidensya. Naniniwala silang mahalaga pa rin ang mga kaugnay na materyales nito upang patunayan ang malawakan at sistematikong katangian ng crimes against humanity at ang indibidwal na pananagutan ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Ang hakbang na ito ay naganap habang naghahanda ang korte sa opisyal na pagbubukas ng pagdinig sa Nobyembre 30, 2026. Kasalukuyang nakadetene si Duterte sa pasilidad ng ICC sa The Hague, Netherlands.