Hinimok ni Senador Erwin Tulfo ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa France, Saudi Arabia at Israel na magdoble-ingat at manatiling mapagmatyag sa gitna ng mga ulat ng kaguluhan at pag-atake sa mga nasabing bansa.
Ayon kay Tulfo, vice chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, dapat umiwas muna ang mga Pilipino sa France, partikular sa Paris, sa mga malawakang protesta ng mga estudyante at manggagawa dahil sa mga riot at insidente ng pagnanakaw.
Sa Saudi Arabia naman, pinayuhan niya ang mga OFW na subaybayan ang mga balita at tiyakin ang kanilang kaligtasan bago pumasok sa trabaho kasunod ng mga naiulat na pag-atake ng Iran at kaalyado nitong grupong Houthi. Binanggit din niya ang ulat na pitong OFW ang nasugatan sa insidente sa King Khalid International Airport sa Riyadh.
Samantala, pinayuhan ni Tulfo ang mga Pilipino sa Israel na iwasan muna, kung maaari, ang pagpunta sa West Bank dahil sa mga ulat ng pag-atake ng ilang Israeli settler laban sa mga dayuhan.
Nanawagan din ang senador sa publiko na ipagdasal ang kaligtasan ng mga OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa at ng kanilang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.













