Hiniling ni Manila 6th District Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa Senate Impeachment Court na pag-aralan kung posibleng lumabag sa sub judice rule ang mga pahayag ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos tawagin ni Panelo na “lokohan” ang ilang pangyayari sa impeachment proceedings at kuwestiyunin ang ruling ng impeachment court kaugnay ng conviction threshold.
Ayon kay Abante, dapat matukoy ng mga senator-judge kung may pananagutan si Panelo dahil ang kanyang mga pahayag ay tumatalakay sa mga usaping nakabinbin sa impeachment trial.
Bagama’t hindi miyembro ng defense team si Panelo, sinabi ni Abante na dapat ding isaalang-alang ang kanyang posisyon bilang spokesperson ng bise presidente.
Nauna nang nagpatupad ang impeachment court ng mas mahigpit na sub judice rule at naglabas ng show-cause orders laban sa dalawang miyembro ng prosecution panel dahil sa kanilang mga pahayag tungkol sa kaso.
Samantala, bumoto ang impeachment court ng 13-1, habang anim na senator-judge ang hindi lumahok, sa pagbabago ng interpretasyon sa two-thirds conviction threshold. Sa bagong ruling, ibabatay ang denominator sa mga senador na legal at aktuwal na makalalahok sa oras ng botohan.













