-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa kinakasama ng babaeng natagpuang patay sa loob ng refrigerator sa isang apartment sa Rodriguez, Rizal.

Ayon sa pulisya, Setyembre 9 nang mag-inquire ang lalaki at ang biktima sa apartment na pagmamay-ari ni Daniel Mangulad. Nagbayad umano ang dalawa at agad na lumipat sa inuupahang lugar.

Kinabukasan, Setyembre 10, bumalik si Mangulad upang papirmahin ang dalawa sa kontrata. Gayunman, walang sumagot sa kanyang katok at hindi rin umano niya makontak ang mga ito sa telepono.

Muli siyang nagtungo sa apartment noong Setyembre 11 ngunit wala pa rin umanong sumagot.

Pagsapit ng Setyembre 15, napansin ni Mangulad ang kakaibang amoy na nagmumula sa loob ng apartment. Humingi siya ng tulong sa barangay dahil inakala niyang maaaring may nabubulok lamang na pagkain o karne sa loob.

Nang buksan ang apartment, doon umano nagmula ang masangsang na amoy. Sa pagbukas naman ng refrigerator, tumambad ang bangkay ng isang babae na nakabaluktot at may tali sa leeg.

Ayon kay Rodriguez police chief PLtCol. Arwyn Gaffud, posibleng limang araw nang patay ang biktima bago nadiskubre ang kanyang bangkay. Tinitingnan din ng mga imbestigador ang posibilidad na pagsakal ang ikinamatay nito.

Samantala, patuloy na hinahanap ng pulisya ang lalaking kasama ng biktima, na hindi na umano nakita sa apartment matapos ang insidente. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at ang pananagutan sa pagkamatay ng babae.