-- ADVERTISEMENT --

Isang pambansang sistema para sa mas organisado at maagap na pagtugon sa mga banta sa seguridad ng mga paaralan ang isinusulong sa Senado matapos aprubahan sa ikalawang pagbasa ang Senate Bill No. 2426 o Comprehensive School Safety Act.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng National Comprehensive School Safety Framework na magtutulak sa mga paaralan na paghandaan ang mga posibleng panganib bago pa man magkaroon ng insidente, magkaroon ng malinaw na response protocols habang may emergency, at maglaan ng suporta para sa mga apektado pagkatapos nito.

Kasama sa mga ipatutupad ang regular na risk assessment, safety drills, emergency communication systems at pagsasanay para sa mga guro, magulang at student leaders.

Maaari ring dagdagan ang physical security ng mga paaralan sa pamamagitan ng CCTV cameras, metal detectors at security screening, ngunit ibabatay ang mga ito sa risk assessment at partikular na pangangailangan ng bawat paaralan.

Bukod sa seguridad, binibigyang-pansin din ng panukala ang mental health at recovery sa pamamagitan ng psychosocial support at trauma-informed care para sa mga estudyante at school personnel na makararanas ng karahasan o iba pang emergency.

Itinutulak ni Senator Bam Aquino ang panukala kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang pamamaril sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante.

Ayon naman kay Education Secretary Sonny Angara, makatutulong ang panukala upang magkaroon ng mas permanenteng programa at sapat na pondo para sa campus security, anti-bullying at mental health initiatives ng Department of Education.

Layunin ng panukala na gawing bahagi ng regular na operasyon ng mga paaralan ang prevention, mabilis na pagtugon at recovery upang hindi lamang nakabatay sa reaksiyon ang seguridad ng mga mag-aaral at guro.