Malugod na tinanggap ng House Prosecution panel ang pagtalaga ng Senate Impeachment Court sa apat na kilalang constitutional experts bilang Amici Curiae sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Layunin ng apat na legal advisers na magbigay ng independiyenteng pananaw sa usapin ng voting threshold, partikular sa kinakailangang boto para sa paghatol sa isang impeachment case.
Kabilang sa mga itinalaga sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr., gayundin si retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna.
Ayon kina House Prosecution spokespersons Rep. Zia Alonto Adiong at Robert Ace Barbers, kapani-paniwala at may malawak na karanasan sa batas ang mga napiling Amici Curiae, kaya inaasahang makatutulong ang kanilang mga legal na pananaw sa pagresolba ng isyu.
Binigyang-diin din ni Adiong ang naging papel nina Davide at Azcuna sa 1986 Constitutional Commission na tumulong sa pagbalangkas ng 1987 Constitution.
Mahalaga umano ang kanilang kaalaman sa naging intensyon ng mga framers sa probisyong nagsasaad na walang dapat mahatulan sa impeachment nang walang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Umaasa ang House Prosecution na makatutulong ang magiging opinyon ng apat na Amici Curiae upang mas malinawan ang Senate Impeachment Court sa tamang interpretasyon ng voting threshold, kabilang ang mga naging deliberasyon ng Constitutional Commission bago nabuo ang naturang probisyon.













