-- ADVERTISEMENT --

Malugod na tinanggap ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang desisyon ng Random Manual Audit Committee (RMAC) na isama ang ilang teknikal na rekomendasyon nito sa pagpapatupad ng Random Manual Audit para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Elections.

Sa Resolution No. 01, Series of 2026 na inilabas noong Setyembre 10, pormal na tinanggap ng RMAC ang limang obserbasyon ng NAMFREL—Observation Nos. 1, 2, 3, 4, at 7.

Samantala, patuloy pang sinusuri ang Observation No. 5 na naglalayong higit pang palakasin ang integridad, transparency, at verifiability ng proseso ng manual audit.

Inatasan naman ng komite ang RMA Technical Working Group at Philippine Statistics Authority na isama ang mga inaprubahang hakbang sa aktuwal na pagpapatupad ng audit sa halalan.

Hindi naman pinagtibay ng RMAC ang Observation No. 6 dahil sa pangangailangang panatilihin ang kasalukuyang sampling parameters na itinakda ng batas at mga resolusyon ng COMELEC.

Sa kabila nito, sinabi ng NAMFREL na iginagalang nito ang naging pasya ng komite at patuloy nitong isusulong ang mga posibleng pagpapahusay sa random manual audit sa mga susunod na halalan.

Bilang accredited citizens’ arm, tiniyak ng NAMFREL na magpapatuloy ang pagbabantay nito sa proseso upang makatulong na matiyak ang tumpak, transparent, at mapagkakatiwalaang pagbibilang ng mga boto sa BARMM elections.