-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan ang prosekusyon sa Senate Impeachment Court na dagdagan ang oras o araw ng paglilitis upang mapabilis ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House impeachment panel spokesperson Ace Barbers nitong Sabado, mahalagang mapabilis ang pag-usad ng kaso dahil aniya, naghihintay na ang publiko sa magiging takbo nito. Naging limitado rin ang mga araw ng pagdinig dahil sa mga suspensyon dulot ng masamang panahon at ilang problema sa availability ng mga testigo.

Iminungkahi ni Barbers na ilaan ng mga senador ang umaga, mula alas-9:00 hanggang alas-3:00, para sa kanilang legislative duties at gamitin ang oras pagkatapos nito para sa impeachment proceedings.

Kasabay nito, pinag-aaralan na rin umano ng prosekusyon ang pagbabawas ng bilang ng kanilang mga testigo, partikular kung magkakapareho lamang ang magiging testimonya ng mga ito. Layunin nitong maiwasan ang paulit-ulit na paglalahad at mas mapabilis ang pagdinig.

Aminado rin si Barbers na maaaring mahirapan ang publiko na patuloy na sundan ang paglilitis dahil sa haba at pagiging teknikal ng mga usapin. Dahil dito, hinikayat niya ang media at social media bloggers na gawing mas simple, malinaw at maikli ang kanilang pagpapaliwanag tungkol sa mga nagaganap sa impeachment trial.

Iginiit niyang mahalagang manatiling interesado at nakatutok ang publiko sa proseso habang nagpapatuloy ang paglilitis.