-- ADVERTISEMENT --

Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananatili ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at wala silang planong alisin ang barko sa naturang lugar.

Ayon kay AFP spokesperson for West Philippine Sea Ret. Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, hindi umano tama ang mga pahayag ng Chinese Embassy sa Manila tungkol sa presensiya ng barkong pandigma ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

Giit ni Trinidad, tila pagtatangka umano ng China na baligtarin ang kasaysayan ang pagpapakalat ng naturang mga pahayag.

Binigyang-diin niya ang nangyari noong 1995 nang makontrol ng China ang Panganiban Reef o Mischief Reef, na inaangkin ng Pilipinas bilang bahagi ng West Philippine Sea. Para kay Trinidad, nagsisilbing halimbawa ang insidenteng ito sa mga nangyari sa pinag-aagawang teritoryo.

Samantala, iginiit din ng opisyal na lehitimo ang presensiya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal at binanggit ang 2016 Arbitral Tribunal ruling na tumalakay sa mga maritime claim sa South China Sea.

Nilinaw ni Trinidad na sa kabila ng mga pahayag mula sa panig ng China, walang anumang plano ang AFP na pabayaan o tuluyang alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.