-- ADVERTISEMENT --

Nakikipagtulungan sa mga awtoridad ang ama ng estudyanteng sangkot sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University, habang patuloy na sinusuri kung mayroon siyang pananagutan sa insidente.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, lumalabas sa paunang imbestigasyon na mag-isa umanong kumilos ang Grade 8 student at walang kasabwat sa pag-atake. Dalawang estudyante ang nasawi, kabilang ang mismong suspek.

Iniimbestigahan din kung paano nakakuha ang menor de edad ng mga baril na ginamit sa insidente. Ayon sa Bureau of Customs, isa sa mga armas ay service firearm ng ama, habang ang isa ay personal na baril nito. Naiwan umano ang mga ito sa sasakyang ginamit sa paghatid sa estudyante sa paaralan.

Pansamantalang inalis sa puwesto ng BOC ang ama bilang district commander ng Enforcement and Security Services sa Zamboanga Port upang matiyak ang patas na imbestigasyon.

Nilinaw naman ni Remulla na wala pang nakikitang pananagutan ang ama sa ngayon, at ang piskalya ang magpapasya kung may maaaring isampang kaso batay sa resulta ng imbestigasyon at umiiral na batas.