-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng Department of Justice na walang legal na hadlang para sampahan ng criminal case si Vice President Sara Duterte kahit isa siyang impeachable officer at may kaugnay na impeachment proceedings sa Senado.

Sa isang press briefing, sinabi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na pananaw ng DOJ na maaaring ituloy ang criminal prosecution laban sa isang nakaupong opisyal na sakop ng impeachment.

Ang pahayag ay kasunod ng argumento ng kampo ni Duterte na hindi maaaring i-prosecute ang bise presidente habang isinasagawa ang impeachment trial sa Senado. Ngunit ayon sa DOJ, magkaiba at hiwalay ang criminal proceedings sa impeachment process.

Dahil dito, sinabi ni Fadullon na nasa korte na ang pagpapasya sa kasong isinampa laban kay Duterte, anuman ang kanyang posisyon bilang bise presidente.

Kamakailan, pormal na kinasuhan ng DOJ si Duterte ng grave threats kaugnay ng mga pahayag na nagbanta umano sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Samantala, ibinasura naman ng DOJ ang inciting to sedition complaint laban sa bise presidente. Ipinagtanggol ni Fadullon ang naging resolusyon, sinabing nakabatay ito sa mga ebidensyang isinumite sa imbestigasyon.

Nauna namang nagpahayag si Palace Press Officer Usec. Claire Castro ng pagkadismaya dahil grave threats lamang ang isinampang kaso laban kay Duterte.

Inaasahan din na magsusumite ang DOJ ng komento sa motion to quash na inihain ng kampo ng bise presidente, na naglalayong ipabasura ang kasong kinakaharap nito.