-- ADVERTISEMENT --

Walo na ang naiulat na nasawi dahil sa epekto ng Habagat at mga nagdaang bagyong Luis at Maymay, batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.

Sa datos ng ahensya hanggang alas-6 ng gabi nitong Linggo, dalawang katao ang nasawi sa Rizal dahil sa rockslide, dalawa sa Batangas dahil sa pagkalunod at electrocution, dalawa sa Benguet dahil sa landslide, at dalawa sa La Union dahil sa landslide, electrocution, at pagkalunod.

May isa ring naiulat na nawawala sa Batangas, habang pitong katao naman ang nasugatan sa Benguet dahil sa landslide at aksidente sa sasakyan.

Patuloy rin ang epekto ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Ilocos Region, Central Luzon, MIMAROPA, Cordillera Administrative Region, at CALABARZON, kung saan nagpapatuloy ang pagbaha.

Sa Marikina, umabot sa 2nd alarm ang Marikina River bago mag-alas-11 ng umaga, dahilan upang lumikas ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog. Mahigit 400 katao na ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center sa Concepcion Integrated School.

Ayon kay Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro, hindi umano gumana ang Tumana Pumping Station kaya hindi agad nailabas sa Pasig River ang tubig-baha.

Samantala, sa La Trinidad, Benguet, tuluyang gumuho at inanod ng tubig ang bahagi ng Beckel Road matapos makaranas ng soil erosion dulot ng matinding pag-ulan.

Sa kabuuan, mahigit 124,000 pamilya na ang naapektuhan ng masamang panahon sa buong bansa. Humigit-kumulang 2,500 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers, habang 170 bahay na ang naiulat na napinsala, kabilang ang 13 na tuluyang nawasak.