Mariing itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga lumulutang na espekulasyon na magbibitiw siya sa puwesto habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings laban sa kaniya.
Sa isang panayam na ibinahagi sa social media, sinabi ng bise presidente na hindi niya kailanman ikokonsidera ang pagbibitiw dahil aniya ay pagtataksil ito sa mahigit 32.2 milyong Pilipinong nagtiwala at bumoto sa kaniya noong halalan.
Iginiit din ni Duterte na kung nais umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapatalsik siya sa puwesto, maaari nitong gamitin ang lahat ng legal na paraan upang maisulong ito, ngunit hindi siya kusang aalis sa kaniyang tungkulin.
Sa kabila ng umiinit na usaping pulitikal sa bansa, kasalukuyang nasa Europe ang bise presidente para sa serye ng community engagements kasama ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Noong Sabado, dumalo siya sa isang pagtitipon sa London kung saan muli niyang binatikos ang kalagayan ng pamahalaan. Sa kaniyang talumpati, inilarawan niya ang umano’y presensya ng mga “buwaya” sa gobyerno at iginiit na kulang ang mga oportunidad na naibibigay sa mga Pilipino, dahilan upang marami pa ring mapilitang mangibang-bansa para maghanapbuhay.
Bago ang kaniyang pagbisita sa United Kingdom, nagtungo rin si Duterte sa The Hague, Netherlands, kung saan dinalaw niya ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakadetine roon.












