Nanawagan ang iba’t ibang sektor kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglatag ng mas konkretong solusyon at programa, sa halip na puro pangako at pagbanggit lamang ng mga nagawa ng administrasyon, sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes, Hulyo 27.
Ayon sa mga mangingisda sa Zambales, kinakailangan ang mas malakas na suporta ng pamahalaan upang matugunan ang mga hamong kinakaharap nila, kabilang ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).
Iginiit ni Regino Romero, chair ng Subic Hook and Line Fishermen’s Association, na dapat paigtingin ng gobyerno ang pagpapatrolya sa karagatan upang maprotektahan ang mga Pilipinong mangingisda laban sa umano’y pangha-harass. Hiniling din niya ang pagpapatuloy at pagpapalawak ng fuel subsidies para sa mga nangingisda sa mga lugar malapit sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Samantala, idinaing naman ng mga public utility drivers ang patuloy na pagbaba ng kanilang kita dahil sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Hiniling din ng Kilusan Para sa Tunay na Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan kay Pangulong Marcos, bilang chair ng Presidential Agrarian Reform Council, na pangalagaan ang mga lupang agrikultural, lutasin ang mga matagal nang alitan sa lupa, itigil ang pagbawi sa mga nakamit na reporma, at wakasan ang kriminalisasyon sa mga magsasakang ipinaglalaban ang kanilang karapatan.
Umaasa ang mga sektor na matutugunan sa SONA ang kanilang mga pangunahing hinaing sa kabuhayan, seguridad, at repormang panlipunan.













