Matapos ideklarang maayos na ang kanyang kalagayan, nanatili na si Senator Rodante Marcoleta sa Quezon City Jail-Male Dormitory habang dinidinig ang kasong plunder na isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P75 milyong campaign donations.
Nauna nang hiniling ng kampo ni Marcoleta na manatili muna siya sa PNP Hospital dahil sa kanyang kondisyon at iba pang iniindang karamdaman na sinasabing may kaugnayan sa pneumonia. Gayunman, ibinatay ng Sandiganbayan ang desisyon nito sa resulta ng independent medical examination ng UP-Philippine General Hospital na nagsasabing wala na siyang aktibong impeksiyon sa baga.
Kasama rin sa mga akusado sa kaso sina dating kongresista Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray. Nakapaghain na ng not guilty plea sina Defensor, Espiritu, at Viray, habang hindi pa naa-arraign si Marcoleta dahil nakabinbin pa ang kanyang mosyon na ibasura ang kaso.
Bukod sa plunder, nahaharap din ang mga akusado sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng regalo o anumang benepisyo dahil sa kanilang posisyon. Ayon sa Sandiganbayan, may nakita rin itong probable cause upang ituloy ang naturang kaso laban kina Marcoleta at Defensor.
Nakatakda naman sa Hulyo 22 ang arraignment nina Marcoleta at Espiritu para sa mga kasong kinakaharap nila.













