Nagkaroon ng magaan na sandali sa Senate impeachment court matapos mauwi sa biruan ang palitan nina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, Senate President at presiding officer Senator-Judge Chiz Escudero, at Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson sa gitna ng pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Habang tinatalakay ni Kapunan ang inaasahang haba ng paglilitis, nabanggit niya ang umano’y pahayag na maaaring magkaapo na ang mga sangkot bago tuluyang matapos ang kaso. Nang mabanggit ang tungkol sa “national bird,” agad namang nilinaw ni Escudero ang usapin, habang pabirong itinanggi ni Lacson na siya ang nagsabi nito at sinabing, “I never talked about birds,” na naging dahilan ng tawanan sa loob ng impeachment court.
Matapos ang maikling biruan, bumalik sa seryosong usapin ang pagdinig nang ipahayag ni Kapunan na hindi na ihaharap ng prosecution panel bilang mga testigo sina Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte, at Captain Belinda Bello.
Ayon kay Kapunan, ang hakbang ay may kaugnayan sa pagtalakay sa Article IV ng impeachment complaint na tumutukoy sa umano’y grave threats laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ipinaliwanag niya na sapat na ang mga impormasyong nakalap mula sa mga naunang testigo at sa mga pahayag ng kampo ng depensa, kaya hindi na kinakailangan ang testimonya ni Lopez. Dagdag pa niya, ang inaasahang pahayag ni Bello ay magsisilbi lamang sanang karagdagang o suportang ebidensya sa kaso.













