-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga naapektuhan ng nagdaang bagyong Inday at hanging habagat, kung saan umabot na sa 20 ang naitalang nasawi, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa situational report na inilabas nitong Lunes, Hulyo 13, sinabi ng ahensiya na isa pa lamang sa mga naitalang nasawi ang kumpirmado, habang sumasailalim pa sa validation ang iba pang naitalang fatalities.

Kinilala ang kumpirmadong biktima bilang isang 70-anyos na lalaki na nalunod sa Barangay Kipaypayon, Quezon, Bukidnon.

Batay sa ulat, sampu sa mga napaulat na nasawi ay mula sa Sarangani, anim sa Lanao del Sur, dalawa sa Bukidnon, at tig-iisa sa Iloilo at Davao Occidental.

Samantala, siyam na katao ang naiulat na nasugatan at 16 naman ang patuloy na pinaghahanap matapos ang pananalasa ng kalamidad.

Sa kabuuan, umabot na sa mahigit 146,000 pamilya o tinatayang 654,000 indibidwal mula sa higit 600 barangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng habagat at bagyo.

Iniulat din ng NDRRMC na nasa P3.18 bilyon na ang paunang halaga ng pinsala sa imprastruktura.

Dahil sa patuloy na masamang panahon, nananatiling suspendido ang klase sa mahigit 400 lungsod at munisipalidad, habang kanselado rin ang trabaho sa 48 lokal na pamahalaan bilang pag-iingat sa publiko.