Inihayag ni Senate President Sherwin Gatchalian na handa niyang igalang ang anumang magiging desisyon ng Senado kung pipiliin ng mga senator-judges na magtalaga ng ibang mamumuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Bagama’t iginiit niyang malinaw sa umiiral na Senate Rules of Procedure on Impeachment Trials na ang Senate President ang dapat magsilbing presiding officer sa lahat ng impeachment proceedings, maliban kung Pangulo ng bansa ang nililitis, sinabi niyang may probisyon sa binagong impeachment rules na nagbibigay kapangyarihan sa mga senador na bumoto para sa ibang presiding officer.
Ayon kay Gatchalian, kung iyon ang magiging pasya ng nakararami, nakahanda siyang sumunod sa magiging desisyon ng Senado.
Samantala, tiniyak din niya na plantsado na ang lahat ng paghahanda para sa pagbubukas ng impeachment trial sa Lunes. Kabilang sa mga inihanda ng Senado ang security measures at contingency plans, gaya ng backup power supply, upang matiyak na tuloy-tuloy ang pagdinig sakaling magkaroon ng aberya.
Inaasahan din ni Gatchalian ang pagdalo ng lahat ng senador sa unang araw ng paglilitis, kabilang si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, bagama’t aminado siyang maaaring hindi personal na makadalo ang ilang senador na may kinakaharap na kaso.
Hindi naman muna siya nagbigay ng pahayag hinggil sa mungkahing baguhin ang bilang ng kinakailangang boto para sa paghatol, dahil ayon sa kanya ay wala pa ito sa mga isyung tatalakayin sa pagbubukas ng impeachment trial.













