Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa madugong sagupaan na naganap sa bayan ng Toboso, Negros Occidental, nag nagresulta sa pagkasawi ng 19 na umanoy rebelde matapos lumutang ang mga malalaking pangalan sa hanay ng mga nasawi.
Kinumpirma ng Scene of the Crime Operatives o SOCO na kabilang sa mga namatay sa engkwentro ay sina R.J. Nichole Ledesma at Alyssa Alano.
Si Ledesma ay kilala bilang 7th nominee ng Kabataan Partylist noong 2022 elections, habang si Alano naman ay isang aktibong student leader mula sa University of the Philippines-Diliman.
Binigyang-diin ng SOCO sa kanilang inisyal na report na kapwa nakuhaang armado ng mga baril ang dalawang indibidwal habang isinasagawa ang retrieval at documentation sa encounter site.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang pagsunod ng mga otoridad sa standard operating procedures para matiyak ang integridad ng imbestigasyon.
Samantala, nagdulot naman ng sari-saring reaksyon ang pagkamatay ng dalawa, lalo na’t kilala ang mga ito sa kanilang mga adbokasiya bago pa man maiulat na napasama sa naturang operasyon ng militar.
Inaasahang maglalabas pa ng karagdagang detalye ang Philippine Army at PNP sa mga susunod na oras hinggil sa pagkakakilanlan ng iba pang mga nasawi at ang mga narekuber na kagamitang pandigma sa lugar.













