-- ADVERTISEMENT --

Ipinauubaya na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Diyos ang magiging desisyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng inaasahang hatol ng Appeals Chamber hinggil sa hurisdiksiyon sa kanyang kaso.

Ayon sa kanyang bunsong anak na si Veronica Duterte, o “Kitty,” ito ang naging damdamin ng dating pangulo matapos siyang dalawin sa The Hague noong Abril 20. Aniya, mas pinipili ng dating lider na ipagkatiwala sa pananampalataya ang magiging resulta dahil wala na itong kontrol sa proseso.

Ibinahagi rin ni Kitty na nasa maayos na kondisyon ang kanyang ama habang nasa pangangalaga ng kanyang legal team. Kumakain ito nang sapat at unti-unti nang naka-aadjust sa kanyang sitwasyon, bagaman paminsan-minsan ay nakakaramdam pa rin ng kalungkutan.

Ayon pa sa kanya, nagpaabot ng mensahe ang dating Pangulo na “at least hindi nila siya ikakahiya dahil wala siyang ginawang masama,” habang tiniyak naman ng pamilya na patuloy ang kanilang suporta at pagmamalaki sa kanya.

Sa hiwalay na pagbisita noong Abril 21, ipinaabot din ni Duterte sa kanyang mga tagasuporta ang salitang “Invictus,” isang Latin na termino na nangangahulugang “unconquered” o “hindi matatalo.”

Si Duterte ay nahaharap sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018, na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay Pangulo ng bansa.

Sa kabuuan, nananatiling mabigat ang legal na laban habang ang pamilya Duterte ay umaasa sa pananampalataya at patuloy na ipinapasa-Diyos ang magiging desisyon ng internasyonal na hukuman.