-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging transparent at susunod sa tamang proseso si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co sa oras na dumating ito sa bansa.

Ayon kay PNP Spokesperson at Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Randulf Tuano, mula sa pagdating ni Co sa Pilipinas ay paiiralin ang transparency sa lahat ng hakbang—mula sa booking procedures gaya ng pagkuha ng mugshot, fingerprinting, at medical examination, hanggang sa pagharap nito sa Sandiganbayan.

Ipinaliwanag din ni Tuano ang magiging proseso: magsisimula ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa turnover kay Co sa Department of the Interior and Local Government (DILG), bago ito dalhin sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame para sa booking procedures tulad ng fingerprinting, mugshot, at medical at physical examination. Pagkatapos nito, dadalhin siya sa Sandiganbayan para sa return of warrant of arrest.

Ayon pa sa tagapagsalita, bagama’t ang ilang detalye ay nasa DFA, inatasan na ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang kapulisan na paghandaan ang iba’t ibang posibleng senaryo sa pagdating ng dating kongresista sa Philippine airport.

Samantala, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga foreign counterparts upang matiyak ang agarang pag-uwi ni Co sa bansa para harapin ang mga kaso at bigyang-linaw ang isyu kaugnay ng flood control scandal.