Naniniwala si Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na ang hindi pagsipot sa mga pagdinig ng House Committee on Justice, sa kabila ng pagkakataong ibinigay sa mga respondent, ay nagpapakita ng pagbalewala o isang uri ng “waiver” sa karapatang sumagot sa mga alegasyon sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Flores, ang pangunahing layunin ng due process ay ang pagbibigay ng oportunidad sa bawat panig na mapakinggan o magkaroon ng pagkakataon na magpaliwanag, at hindi nakadepende ito sa desisyon ng respondent kung gagamitin nila ang pagkakataong ito o hindi.
Binigyang-linaw din ni Flores na ang layunin ng pag-iisyu ng subpoena ay hindi upang pilitin ang panig ng Vice President, kundi upang magkuha ng mga mahahalagang impormasyon mula sa mga indibidwal na maaaring magbigay-linaw at makatulong sa pagsusuri ng kaso. Kabilang sa mga pinadalhan ng subpoena ay si Atty. Michael Poa at ilang mga opisyal mula sa Commission on Audit (COA), matapos imungkahi ng mga miyembro ng komite, tulad ni Congressman Antonio Tinio, na kailangan ang kanilang testimonya para sa patuloy na pagsusuri sa mga reklamo.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, patuloy na kinuwestiyon ng kampo ni Vice President Duterte ang legalidad ng mga proseso sa labas ng komite, at pinili nilang hindi dumalo sa mga nakaraang pagdinig. Ayon sa kanilang panig, may mga legal na isyu ukol sa paraan ng pagsasagawa ng mga proceedings, ngunit mariing ipinagdiinan ng mga miyembro ng komite na ang proseso ay alinsunod sa mga itinakdang alituntunin ng batas.













