Nanawagan si Sherwin Gatchalian sa mga local government units (LGUs) na paigtingin ang pagpapatupad ng mga hakbang sa fire prevention lalo na ngayong papalapit ang tag-init, kung kailan mas tumataas ang panganib ng sunog.
Ang panawagan ng senador ay bunsod ng malaking sunog na naganap noong Pebrero 3 sa Barangay Lamion sa Bongao. Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga materyales na madaling magliyab, malalakas na hangin, at siksikang kabahayan sa baybaying lugar.
Dahil sa insidente, tinatayang 1,404 pamilya ang nawalan ng tirahan. Umabot sa P17.5 milyon ang pinsala sa mga pribadong ari-arian, habang tinatayang P18 milyon naman ang halaga ng nasirang pampublikong imprastraktura.
Binigyang-diin ni Gatchalian na marami sa mga sunog ay maaaring maiwasan kung maayos ang pag-iingat. Aniya, kabilang sa karaniwang sanhi ng sunog ang overloaded electrical circuits at ilegal na koneksyon ng kuryente.













