-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Boluntaryong sumuko sa mga otoridad ang isang kasapi ng Lupon ng Barangay matapos mabaril ang isang 58-anyos na lalaki na may mental disability sa Barangay Datalblao, Columbio, Sultan Kudarat, alas-1:45 ng hapon noong Pebrero 17, 2026.

Sugatan naman ang kanyang kapitbahay na si alyas Evelyn, 57, isang PWD (deaf), na nagtangkang awatin ang biktima.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Datu Sahir Akmad Mamalinta, Barangay Chairman ng Datalblao, sinabi nitong bago mabaril, nagtangka ang nasawi na saktan ang sarili gamit ang bolo. Humingi ng tulong ang asawa ng lalaki sa kapitbahay na si alyas Tata, 57, upang pakalmahin siya.

Sa gitna ng kaguluhan, tinaga ni Francis ang kapitbahay na si Evelyn. At nang tangkain niyang saktan din si Tata, napilitan itong paputukan si Francis gamit ang homemade 12-gauge shotgun bilang depensa sa sarili.

Agad na nasawi si Francis habang isinugod si Evelyn sa Columbio Infirmary at kalaunan ay inilipat sa Cotabato Regional Medical Center para sa mas masusing gamutan.

Ayon kay Kapitan Mamalinta, matagal nang may sakit ang biktima at ilang ulit na ring nagtangka na saktan ang sarili at nitong insidente lamang na may nadamay.

Itinuturing naman ng opisyal na isolated case ang pangyayari at ipinasigurong di nagpabaya ang opisyal dahil boluntaryong sumuko sa kanya ang suspek na tutulong lang sana para mapigilan ang biktima sa ginawa nito.

.