Nagpaabot ng pagbati si dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa mga kapatid nating Muslim sa pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan, at inilarawan ito bilang panahon ng espiritwal na pagninilay at pagkakaisa.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Romualdez na ang Ramadan ay sagradong buwan ng pag-aayuno, panalangin, at debosyon kay Allah. Aniya, ito ay panahon ng disiplina, pagpapakumbaba, at malasakit sa kapwa, kung saan sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagsamba ay pinagtitibay ng mga mananampalataya ang kanilang paninindigan sa kabutihan at paglilingkod.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng paggalang sa isa’t isa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kultura at pananampalataya, at iginiit na ang pagkakaiba-iba ay pundasyon ng mas matatag at maayos na Pilipinas.
Umaasa si Romualdez na magsilbing inspirasyon ang Ramadan upang higit pang mapalalim ang pagkakaisa at kapayapaan sa Mindanao at sa buong bansa.
Sa pagtatapos, binati niya ang mga Muslim ng “Ramadan Mubarak” at nawa’y tanggapin ng Allah ang kanilang mga panalangin at pag-aayuno, at pagpalain ang kanilang mga tahanan ng kapayapaan, awa, at kasaganaan.













