SURALLAH, SOUTH COTABATO – Nagresulta sa pagkasawi ng isang lalaki at pagkakasugat ng lima pang katao ang karambola ng dalawang motorsiklo at isang tricycle sa National Highway, Barangay Dajay, Surallah, pasado alas-9:00 ng gabi nitong Martes, Setyembre 9, 2025.
Batay sa ulat ng Surallah PNP, sangkot sa insidente ang isang tricycle na minamaneho ni alyas “Mon”, 41-anyos, sakay ang kanyang asawang si alyas “Liloy”, 42-anyos, at kanilang dalawang menor de edad na anak.
Kasama rin sa aksidente ang isang kulay abong Honda XRM na minamaneho ng menor de edad na si alyas “Bayaks”, at isang kulay asul na Honda XRM na minamaneho ng hindi pa nakikilalang lalaki.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na patungong Banga ang tricycle, habang patungong Sto. Niño ang dalawang motorsiklo. Pagdating sa lugar ng insidente, biglang lumihis sa kabilang linya ang asul na XRM at bumangga sa tricycle.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang kulay abong XRM at sumalpok sa sinusundang asul na motorsiklo, dahilan ng sunod-sunod na banggaan.
Lahat ng sakay ng tatlong sasakyan ay isinugod sa pagamutan, ngunit idineklarang dead on arrival ang driver ng asul na Honda XRM.