MIDSAYAP, COTABATO – Nagresulta sa pagkakasawi ng isang suspek at pagkaaresto ng dalawang indibidwal ang pagpapatupad ng Search Warrant No. 25-022 laban sa isang alyas “Lanoy” sa Purok 2B, Barangay Rangaban, Midsayap, Cotabato, pasado alas-5 ng hapon nitong Miyerkules, Agosto 13, 2025.
Bitbit ang kopya ng search warrant mula sa RTC Branch 28, Poblacion 8, Midsayap, Cotabato, rumesponde ang mga operatiba sa lokasyon ng target.
Batay sa ulat ng Midsayap PNP, habang papalapit ang mga pulis sa bahay ng suspek at nagpapakilalang mga operatiba, biglang umalingawngaw ang putok ng baril mula umano sa loob ng bahay. Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis, na tumama sa armadong suspek.
Agad isinugod sa pagamutan ang suspek ngunit idineklara itong patay ng mga doktor. Hindi pa ibinubunyag ng pulisya ang pagkakakilanlan ng nasawi.
Naaresto naman ang magkapatid na sina alyas “Lanoy,” 49, residente ng Barangay Rangaban at target ng operasyon, at alyas “Ry,” 53, residente ng Barangay Kabulacan, Matalam, Cotabato. Pinakawalan din si “Ry” matapos ang beripikasyon.
Narekober sa mga suspek ang tatlong (3) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, tatlong (3) improvised glass tooters (isa rito ay may bakas ng hinihinalang shabu), dalawang (2) disposable lighter, isang pares ng gunting, limang (5) live cartridge ng 5.56mm, at isang (1) black belt/sling bag.
Sa ngayon inihahanda na ang kasong paglabag sa Sections 11 (Possession of Dangerous Drugs) at 12 (Possession of Drug Paraphernalia) ng Article II, RA No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay alyas “Lanoy.”