Himas-rehas ngayon ang dalawang (2) lalaki matapos ang ikinasang drug buy-bust operation ng pinagsama-samang pwersa ng mga awtoridad sa Buayan National Highway, Barangay Buayan, General Santos City nitong Disyembre 11, 2024.
Bandang alas-12:09 ng hating gabi nang madakip ang mga suspek na kinilalang sina alyas “NJ” at alyas “JAY”, matapos makabili ang isang poseur buyer ng hinihinalang shabu mula sa kanila.
Sa gitna nito, nasamsam sa dalawa ang isang (1) genuine Php1,000 peso bill na ginamit sa operasyon at 20 piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may kabuuang bigat na 31.2 gramo na may standard drug price na Php212,160.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng General Santos City Police Office-Police Station 3 ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang Pambansang Pulisya ay hindi titigil sa pagpapaigting kontra ilegal na droga para sa seguridad at kaligtasan ng komunidad.