Nagpapatuloy ang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa aksidente sa Sitio Mudon, Barangay Upper Sepaka, Surallah, South Cotabato, kung saan nahulog sa humigit-kumulang 30-metrong bangin ang isang multicab pasado alas-12:00 ng tanghali.
Batay sa pahayag ni Surallah Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Leonardo Ballon, higit 20 katao ang sakay ng sasakyan nang mangyari ang insidente. Karamihan sa kanila ay mga miyembro ng Seventh-day Adventist (SDA) Church na matapos magsagawa ng outreach program sa Upper Sepaka ay pauwi na sa sentro ng bayan.
Dalawang pasahero ang nasawi, kabilang ang driver na si Joey Areglado at si Marilyn Agnawan Antonio. Sampu naman ang nagtamo ng mga pinsala at patuloy na ginagamot sa SOCCSKSARGEN General Hospital.
Inaalam ng mga awtoridad kung self-accident ang insidente at kung nakadagdag sa aksidente ang posibleng pag-overload sa multicab. Ayon sa paunang impormasyon, maaaring nawalan ng kontrol ang driver habang pababa sa matarik na kalsada, dahilan upang mawalan ng direksyon ang sasakyan at mahulog sa bangin.
Patuloy namang kinokolekta ng mga awtoridad ang mga impormasyon upang malinawan ang buong pangyayari at matukoy ang tunay na dahilan ng aksidente.













