SOCCSKSARGEN — Umabot sa isang daan at tatlong pamilya sa Maitum, Sarangani, isang daang pamilya sa Palimbang, mahigit dalawang daan at limampung pamilya sa Kalamansig, Sultan Kudarat, at animnapung pamilya sa Pigcawayan, Cotabato ang naapektuhan ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng SOCCSKSARGEN.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay OCD Region 12 Information Officer Anne Santos, sinabi nitong naitala rin sa Maitum ang dalawang bahay na bahagyang nasira, mga bangkang napinsala, at insidente ng landslide.
Samantala, tatlumpu’t walong barangay sa Lebak at Palimbang ang naapektuhan, habang tig-limang barangay naman sa Kalamansig at Pigcawayan ang nakaranas ng pagbaha.
Sinabi ni Santos na humupa na ang tubig sa ilang binahang lugar, habang nagpapatuloy ang clearing operations at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.
Tiniyak din ng opisyal na handa ang OCD Region 12 sakaling magpatuloy ang pagbaha dahil sapat ang kanilang nakaimbak na relief goods. Patuloy rin ang pagsasanay sa mga emergency responders upang mas mapabilis ang pagtugon sa mga kalamidad.
Hinimok naman ni Santos ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad para sa kanilang kaligtasan.












