Nilinaw ni Vice President Sara Duterte na wala siyang personal na hidwaan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kaniyang mga batikos ay nakatuon lamang umano sa paraan ng pamumuno ng administrasyon.
Sa panayam sa The Hague, sinabi ni Duterte na wala siyang problema kay Marcos bilang isang tao, ngunit may pagtutol siya sa kaniyang pagganap bilang lider ng bansa.
Ayon sa Bise Presidente, bahagi ng kaniyang karapatan sa malayang pagpapahayag ang pagbibigay ng komento at kritisismo laban sa mga polisiya at hakbang ng pamahalaan.
Matatandaang magkasama sina Marcos at Duterte sa halalan noong 2022 sa ilalim ng tambalang “UniTeam.” Gayunman, lumalim ang hidwaan sa pulitika sa pagitan ng dalawa na nauwi sa pagbibitiw ni Duterte bilang kalihim ng Department of Education.
Samantala, nagpapatuloy ang impeachment proceedings laban kay Duterte. Kabilang sa mga usaping tinututukan sa reklamo ang kaniyang naging pahayag sa isang online press conference kung saan sinabi niyang may nakausap umano siyang tao na maaaring gumawa ng karahasan laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kaniya.







