Iniutos ni Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga lihim na pagpupulong na may kinalaman sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Kasunod ito ng reklamo mula sa mga kaanak ng mga missing sabungero na may ilang pulis umanong nakikipag-usap upang “areglohin” o impluwensiyahan ang direksiyon ng kaso. Ayon sa mga ulat, ilan sa mga nasabing police personnel ay sinibak na rin sa serbisyo habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon.
Sa kautusan ni Nartatez, inatasan ang Philippine National Police na busisiin ang lahat ng posibleng paglabag kaugnay ng isyu, lalo na ang anumang pakikipagkilos ng mga pulis na hindi dumaraan sa opisyal at legal na proseso.
Binigyang-diin ng PNP chief na ang mga ganitong hakbang ay maituturing na paglabag sa mandato ng kapulisan at posibleng abuso sa tiwalang ipinagkakaloob ng publiko sa institusyon.
Nauna nang iniulat ng National Police Commission ang umano’y pagkakasangkot ng dalawang pulis sa mga secret meetings na may kaugnayan sa kaso.
Nilinaw naman ng PNP na hiwalay ang bagong imbestigasyong iniutos ni Nartatez sa kasalukuyang internal investigation ng pulisya at sa hiwalay ring pagsisiyasat na isinasagawa ng NAPOLCOM.
Matatandaang unang naiulat ang pagkawala ng ilang sabungero noong 2021 hanggang 2022, isang kontrobersiyang kalauna’y iniugnay sa negosyanteng si Atong Ang, na ngayo’y nahaharap sa iba’t ibang reklamo at kaso kaugnay ng insidente.













