-- ADVERTISEMENT --

Inirekomenda na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang pagdedeklara ng State of Calamity sa buong lalawigan ng South Cotabato kasunod ng matinding pinsalang idinulot ng Magnitude 7.8 na lindol.


Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Rolly Doane Aquino, kasalukuyan nang inihahanda ang mga kinakailangang legal na dokumento na isusumite sa Sangguniang Panlalawigan para sa pag-apruba ng rekomendasyon.


Ipinaliwanag ni Aquino na mayroon nang limang bayan sa lalawigan na nagdeklara ng kani-kanilang State of Calamity, na nakatugon na sa mga itinakdang pamantayan upang maisailalim din sa kaparehong deklarasyon ang buong probinsya.


Batay sa pinakahuling assessment, lumampas na sa P833 milyon ang kabuuang halaga ng pinsalang naitala sa South Cotabato bunsod ng lindol.


Samantala, nagpapatuloy ang masusing assessment ng PDRRMO upang matukoy ang kabuuang lawak ng pinsala at matiyak ang agarang paghahatid ng karagdagang tulong sa mga komunidad at pamilyang naapektuhan ng kalamidad.