Pinagpapaliwanag ng Sandiganbayan si Senator Rodante Marcoleta kung bakit hindi siya dapat pansamantalang suspendihin bilang miyembro ng Senado habang dinidinig ang kasong plunder na isinampa laban sa kanya.
Sa inilabas na kautusan ng korte, binigyan si Marcoleta ng hindi maaaring palawiging 10 araw mula nang matanggap ang abiso upang isumite ang kanyang paliwanag kaugnay ng posibleng preventive suspension.
Ayon sa Sandiganbayan, ang hakbang ay alinsunod sa Section 5 ng Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Act, gayundin sa Section 4, Rule VIII ng 2018 Revised Internal Rules ng korte.
Humaharap si Marcoleta sa mga kasong plunder at paglabag sa Presidential Decree No. 46 o batas na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng regalo o anumang pabor na may kaugnayan sa kanilang posisyon.
Sa kanyang arraignment noong Miyerkules, naghain ang senador ng not guilty plea sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Nauna nang nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban kay Marcoleta noong Hulyo 3 dahil umano sa pagtanggap ng hindi idineklarang donasyon na umaabot sa P75 milyon noong siya pa ang nagsisilbing kongresista.
May hiwalay rin siyang kaso kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P25 milyon mula sa negosyanteng si Joseph Espiritu, na sinasabing paglabag sa anti-gift law.
Itinanggi nina Marcoleta at Espiritu ang mga alegasyon laban sa kanila.
Samantala, naghain din ng not guilty plea ang iba pang akusado sa kasong plunder, kabilang sina dating Congressman Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray, sa kanilang arraignment noong Hulyo 15.













