-- ADVERTISEMENT --

Muling ipinagpatuloy ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong araw, Pebrero 7, ang Search and Rescue (SAR) operations sa MV Trisha Kerstin 3 na lumubog sa karagatang sakop ng Basilan labindalawang araw na ang nakalilipas.

Pansamantalang itinigil ng PCG ang diving operations nitong Huwebes bunsod ng masamang lagay ng panahon at banta ng bagyong Basyang sa timog-silangang bahagi ng bansa, bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga rescue personnel.

Sa pagbuti ng kondisyon ng panahon ngayong araw, agad namang nagdeploy ang PCG ng mga technical diver at kinakailangang assets sa ground zero upang ipagpatuloy ang paghahanap sa mga nawawalang labi.

Ayon kay PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, isa sa mga pangunahing tututukan ng mga diver ang mismong lokasyon ng lumubog na barko, na natunton na bago pa pansamantalang ihinto ang operasyon. Ipinapakita aniya ng patuloy na SAR operations ang matibay na commitment ng PCG na mahanap ang mga nawawala sa kabila ng mga hamon sa panahon at kondisyon ng karagatan.