-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang kinalaman ang alinmang puwersa ng gobyerno sa napaulat na insidente ng putukan sa loob ng Senado nitong nakaraang gabi.

Ayon sa Pangulo, agad siyang nakipag-ugnayan kay DILG Secretary Jonvic Remulla upang personal na tutukan ang sitwasyon sa lugar. Nakipag-ugnayan din umano siya kay NBI Director Melvin Matibag para tiyaking walang tauhan ng NBI na sangkot o pumasok sa Senado — bagay na mariin ding pinabulaanan ng ahensya.

Nilinaw rin ni Marcos na pawang mga lehitimong security personnel lamang ang nasa loob ng Senado noong mangyari ang insidente, kabilang ang mga tauhan ng Philippine National Police, Philippine Marine Corps, at Office of the Senate Sergeant-at-Arms.

Kasabay nito, itinanggi rin ng Pangulo ang mga kumakalat na ulat na may direktiba umano para arestuhin si Senador Ronald dela Rosa.

Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad gamit ang CCTV footage at iba pang ebidensya upang matukoy ang pinagmulan ng kaguluhan. Nanawagan naman si Marcos sa publiko na manatiling kalmado habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng Senado at mga law enforcement agencies.