Kinilala bilang bagong reyna ng Miss Universe Philippines si Bea Millan-Windorski matapos mangibabaw sa 50 kandidata sa coronation night na ginanap sa SM Mall of Asia Arena.
Umagaw ng pansin ang pambato ng La Union sa kanyang makabuluhang sagot sa Q&A portion. Sa kabila ng tanong tungkol sa dismaya ng ilang Pilipino sa bansa, iginiit niya na nananatiling mahalaga ang pagre-represent ng Pilipinas dahil sa napakaraming potensyal at kakayahan ng mga Pilipino—isang dahilan kung bakit pinili niyang bumalik at lumaban sa pageant.
Kabilang sa mga nakapasok sa finalists sina Apriel Smith (Cebu City), Marian Arellano (Tarlac), Bella Ysmael (Taguig), Nicole Borromeo (Cebu Province), Allyson Hetland (Pampanga), at Jenrose Javier (Sultan Kudarat).
Papalit si Millan-Windorski kay Ahtisa Manalo at siya ang magiging kinatawan ng bansa sa ika-50 edisyon ng Miss Universe na gaganapin sa Puerto Rico.












