-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Senador Robin Padilla sa pamahalaan na unahin ang pagtugon sa mga suliranin sa suplay ng kuryente at pampublikong transportasyon bago ituon ang pansin sa planong pagpapalipad ng rocket sa kalawakan pagsapit ng 2027.

Sa kanyang Kontra-SONA sa Senado, sinabi ni Padilla na bagama’t suportado niya ang hangarin ng bansa na magkaroon ng sariling space program, mas mahalagang bigyang prayoridad ang mga serbisyong direktang nararamdaman ng mga mamamayan.

Isa sa mga binigyang-diin ng senador ang pangangailangang palawakin ang kapangyarihan ng mga local government unit (LGU) sa pagpapaunlad ng mga proyekto sa enerhiya. Aniya, makatutulong ang mas malawak na awtonomiya upang mapabilis ang pagresolba sa madalas na brownout, lalo na sa mga malalayong lalawigan.

Kasabay nito, hinimok din ni Padilla ang pamahalaan na pabilisin ang pagtatayo ng mga bagong power plant upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Binigyang-pansin din ng senador ang matagal na oras ng biyahe mula Metro Manila patungong Bicol, na aniya’y umaabot pa rin ng halos 12 oras. Dahil dito, muli niyang isinusulong ang panukalang bullet train na mag-uugnay sa kabisera at Bicol upang mapabilis ang transportasyon ng mga pasahero.

“Maganda ang pangarap na magkaroon ng rocket program, pero sana bago natin iyon maabot, maayos muna ang transportasyon at iba pang pangunahing serbisyo,” ani Padilla.

Samantala, ipinahayag din ng senador ang kanyang suporta sa mga panukalang Freedom of Information Bill at pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga menor de edad.