-- ADVERTISEMENT --

Tinanggap ng Office of the Solicitor General (OSG) ang naging pasya ng Korte Suprema na ibasura ang hiling ni Senador Ronald dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at iba pang injunctive relief kaugnay ng posibleng pag-aresto batay sa warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ayon sa OSG, ipinapakita ng desisyon ng Korte Suprema na wala itong nakitang sapat na basehan para pigilan ang pagpapatupad ng ICC warrant laban sa senador. Kung naaprubahan sana ang TRO o status quo ante order (SQAO), pansamantalang mapipigilan ang implementasyon ng warrant habang dinidinig pa ang kaso.

Giit pa ng OSG, nabigo si Dela Rosa na matugunan ang mga kinakailangang kondisyon para sa pag-isyu ng injunctive relief—kabilang ang hindi malinaw na batayan ng hinihinging proteksyon, kawalan ng patunay ng aktwal na paglabag, at ang pag-recall umano ng CIDG subpoena na ginamit sa kanyang petisyon.

Dagdag pa ng tanggapan, mahalagang isaalang-alang hindi lamang ang teknikal na aspeto ng batas kundi pati ang layunin nitong makamit ang hustisya, lalo na sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kabila nito, nilinaw ng Korte Suprema na hindi pa nito dinidinig ang pangunahing usapin hinggil sa legalidad ng pagpapatupad ng ICC warrant sa Pilipinas, kabilang ang epekto ng pag-atras ng bansa mula sa Rome Statute at kung paano ito dapat ipatupad sa lokal na konteksto.