-- ADVERTISEMENT --

Pinabulaanan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager at dating Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang kumakalat na ulat na plano niyang tumakbo bilang alkalde ng Davao City.

Sa isang pahayag sa kanyang Facebook account, nilinaw ni Torre na wala siyang anumang deklarasyon o anunsyo ng pagtakbo sa lokal o pambansang posisyon.

“Para malinaw: wala akong sinabing tatakbo akong Mayor ng Davao. At wala rin akong inanunsyong pagtakbo sa anumang local o national position. Kaya huwag muna nating pangunahan ang kuwento. Marami pa tayong trabaho,” ayon kay Torre.

Ipinaliwanag niya na nagsimula lamang ang usapin mula sa isang komento ng isang netizen sa social media na kalaunan ay kumalat at naging tila lehitimong balita.

Giit ni Torre, nakatuon siya ngayon sa kanyang mandato bilang pinuno ng MMDA at hindi kinakailangang hintayin ang panahon ng halalan upang makapaglingkod sa publiko.

Sa mga naunang panayam, sinabi rin ni Torre na wala siyang sapat na pinansyal na kakayahan upang pasukin ang politika.

Uminit ang pangalan ni Torre sa Davao City matapos niyang kuwestiyunin ang paggamit ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control projects sa lungsod, lalo na matapos bahain ang kanyang sariling tahanan.

Dahil dito, may ilang grupo at netizens na naghikayat sa kanya na lumahok sa halalan at hamunin ang matagal nang namamayani na pamilyang Duterte sa lokal na politika.

Nagkomento rin si Vice President Sara Duterte na bukas ang kanilang lungsod sa sinumang nais tumakbo, kabilang si Torre.

Gayunman, nilinaw na ngayon ng dating PNP chief na wala siyang kasalukuyang plano na kumandidato at hiniling na huwag munang bigyan ng kahulugan ang mga haka-haka tungkol sa kanyang posibleng pagpasok sa politika.