-- ADVERTISEMENT --

Itinuturing na “real-life hero” ang estudyanteng si Bryan matapos niyang ipakita ang tapang at malasakit sa pagprotekta sa kaniyang mga kaklase sa naganap na shooting incident sa Banga National High School noong Setyembre 18, 2026.


Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Bryan na sinikap niyang protektahan ang kaniyang mga kaklase sa pamamagitan ng pagsasara ng classroom door upang hindi makapasok ang shooter, na dati rin niyang best friend.


Sa kabila ng panganib sa kaniyang sarili, pinili ni Bryan na kumilos upang mapanatiling ligtas ang kaniyang mga kaklase, dahilan upang kilalanin ang kaniyang katapangan at kabayanihan.


Sa insidente, nagtamo rin ng pinsala sa kaniyang daliri si Bryan na kinailangang lagyan ng stainless steel bilang bahagi ng kaniyang gamutan.


Samantala, nagpapatuloy ang kaniyang paggaling at nakatanggap na rin siya ng tulong mula sa lokal, panlalawigan at pambansang pamahalaan para sa kaniyang recovery.


Nagpaalala rin si Bryan sa kaniyang mga kapwa estudyante na agad ipaalam sa mga magulang o guro ang anumang senyales na may estudyanteng nagpaplanong gumawa ng kaguluhan sa paaralan, kahit pa ito ay sabihin lamang bilang biro.


Dahil sa insidente, sinabi ni Banga Mayor Albert Palencia, sa panayam ng Bombo Radyo na patuloy ang monitoring ng lokal na pamahalaan sa kalagayan ng mga biktima at sinisikap na maibigay ang kinakailangang suporta para sa kanilang paggaling kabilang ang isinasagawang psychological at psychosocial intervention para sa mga mag-aaral at mga guro.