Malawakang paglikas at matinding paghahanda ang isinagawa sa katimugang China matapos mag-landfall ang Bagyong Noul sa Guangdong nitong Linggo, na nagdala ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at mapanganib na kondisyon sa ilang lalawigan.
Ayon sa mga lokal na awtoridad, mahigit 800,000 residente ang inilikas bilang pag-iingat laban sa posibleng pagbaha at landslide. Sa Hong Kong naman, mahigit 350 flights ang nakansela habang higit 20 katao ang naiulat na nasugatan dahil sa malalakas na hangin at ulan.
Tumama ang bagyo sa baybayin ng Huidong County bandang alas-3:50 ng madaling araw, na may dalang malakas na bugso ng hangin at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Dahil sa banta ng matinding pagbaha, naglabas ang China Meteorological Administration ng red alert para sa flash floods sa ilang lalawigan, kabilang ang Jiangxi, Hunan, Guangdong, Sichuan, Shaanxi, Gansu, at southeastern Xinjiang. Inaasahan ding magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan hanggang Martes, na nagpapataas ng panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga bulubundukin at tabing-ilog.
Bagama’t humina na si Noul at naging isang tropical storm habang kumikilos paloob ng kalupaan, nananatili pa ring mataas ang banta sa mga apektadong lugar.
Bilang tugon, naglaan ang pamahalaan ng China ng 100 milyong yuan para sa relief at rehabilitasyon sa Guangdong. Samantala, unti-unti nang naibabalik sa normal ang operasyon sa Hong Kong International Airport matapos ang mahigit 12 oras na pagkaantala ng mga biyahe.
Ang Bagyong Noul, na unang nakilala bilang Kiyapo sa Philippine Area of Responsibility, ay kabilang sa pinakamalalakas na bagyong tumama sa China ngayong taon, na nagdulot ng malawakang paglikas, kanselasyon ng mga biyahe, at seryosong banta ng pagbaha sa iba’t ibang lalawigan.













