-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA na aabot sa hindi bababa sa 51 lugar sa bansa ang posibleng makaranas ng “danger” level na heat index ngayong Biyernes, Mayo 29.

Batay sa limang araw na forecast ng ahensya, inaasahang papalo sa 42°C hanggang 47°C ang heat index sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, na itinuturing na delikadong antas ng init na maaaring magdulot ng heat-related illnesses.

Pinakamataas na inaasahang heat index na 47°C ay maaaring maranasan sa Casiguran, Aurora at Sangley Point sa Cavite City, Cavite.

Nasa 46°C naman ang forecast sa mga lugar tulad ng Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan, Baler sa Aurora, at San Ildefonso sa Bulacan.

Samantala, aabot sa 45°C ang heat index sa ilang bahagi ng Luzon gaya ng Dagupan City, Bacnotan sa La Union, Echague sa Isabela, Iba sa Zambales, Clark Airport sa Pampanga, Muñoz sa Nueva Ecija, Cubi Point sa Subic, Coron sa Palawan, at San Jose sa Occidental Mindoro.

May mga lugar din sa Metro Manila at kalapit-probinsya na inaasahang aabot sa 44°C, kabilang ang Science Garden sa Quezon City, gayundin sa ilang bahagi ng Ilocos, Central Luzon, Bicol, at Visayas.

Nasa 43°C naman ang heat index sa NAIA sa Pasay City at ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, habang 42°C sa ilang lugar sa Bicol Region, Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula.

Aabot din sa 24 pang lugar ang nasa “extreme caution” level na may heat index na 35°C hanggang 41°C, na nangangailangan ng pag-iingat laban sa dehydration at heat stress.

Samantala, ilang highland areas tulad ng Baguio City at La Trinidad, Benguet ang inaasahang mananatiling malamig, na nasa humigit-kumulang 20°C hanggang 26°C lamang ang heat index.

Patuloy namang pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na umiwas sa matagal na pagkabilad sa araw, uminom ng sapat na tubig, at limitahan ang outdoor activities sa tanghaling tapat upang maiwasan ang heat-related health risks.