-- ADVERTISEMENT --

Hinatulan ng apat na buwang pagkakakulong ang isang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) matapos mapatunayang sangkot sa pagharang sa highway noong kasagsagan ng pag-aresto sa founder nitong si Apollo Quiboloy.

Sa desisyon ng Metropolitan Trial Court Branch 39 Quezon City, napatunayang guilty si Eduardo Corda sa paglabag sa Section 13(a) ng Batas Pambansa Bilang 880. Kaugnay ito ng mga protestang isinagawa noong Agosto 2024 sa KOJC compound sa Davao City, kung saan naglagay ng mga barikada at sasakyan ang mga supporter na umokupa sa bahagi ng Philippine-Japan Friendship Highway.

Ayon sa korte, nagdulot ito ng public obstruction habang isinasagawa ng mga awtoridad ang police operations. Bagamat may permit ang grupo para sa prayer rally at candle lighting, malinaw na limitado lamang ito sa loob ng compound at hindi saklaw ang pagharang sa kalsada.

Depensa ng kampo ni Corda, hindi siya organizer at tumulong lamang sa pagpapanatili ng kaayusan. Ngunit pinaniwalaan ng korte na isa siya sa mga lider ng pagtitipon, base sa paggamit niya ng megaphone at aktibong pagkoordina sa mga tao sa gitna ng tensyon.

Ibinahagi naman ni Nicolas Torre III ang hatol, na aniya’y hindi dapat tingnan bilang paghihiganti kundi paalala na umiiral ang batas para sa lahat. Binigyang-diin niya na hindi maaaring gawing depensa ang ingay, impluwensiya, o dami ng tao upang makaiwas sa pananagutan.

Nag-ugat ang insidente sa operasyon ng pulisya laban kay Quiboloy, na noon ay pinamumunuan ni Torre bilang Davao regional police chief—isang pangyayaring nauwi sa matinding tensyon sa pagitan ng mga awtoridad at mga tagasuporta ng KOJC.