-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Nanawagan ng pagkakaisa at mas malawak na pagtingin para sa kapakanan ng bansa si Retired Judge Balo, Provincial Legal Officer ng Sultan Kudarat, kaugnay ng mga isyung impeachment na inihahain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, iginiit ni Judge Balo na ang patuloy na pag-uungkat ng impeachment complaints laban sa dalawang pinakamataas na lider ng bansa ay maaaring magbigay ng impresyon ng political instability sa Pilipinas, lalo na sa mata ng international community.

Ayon sa kanya, ang ganitong sitwasyon ay posibleng makaapekto sa kumpiyansa ng mga foreign investors at sa pangkalahatang kalagayan ng ekonomiya ng bansa.

Aniya, mahalagang isaalang-alang ang mas malawak na epekto ng mga isyung pampulitika sa kabuhayan ng mamamayan.

Bilang pagtatapos, hinikayat ni Judge Balo ang publiko na iwasan ang pagkakahati sa pulitika at sa halip ay unahin ang interes ng bansa.

Aniya, mas makabubuti kung magiging pro-Pilipino at pro-Philippines ang bawat isa upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at ang kapakanan ng sambayanan.