Dineklara ng KorteSuprema na labag sa Konstitusyon ang mga sumusunod: una, ang 2024 General Appropriations Act (GAA) dahil sa pagdagdag ng Kongreso ng PHP 449.5 bilyon sa unprogrammed appropriations na nagresulta sa pagtaas ng kabuuang halagang inirekomenda ng Pangulo para sa national budget; ikalawa, ang Special Provisions 1(a) at (b), Chapter XLIII ng 2026 GAA; at ikatlo, ang 2025 GAA dahil sa pagdagdag ng Kongreso ng PHP 17.99 bilyon sa Special Road Fund, na nagresulta rin sa pagtaas ng kabuuang halagang inirekomenda ng Pangulo para sa national budget.
Sa Desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinagbigyan ng En Banc ng Korte Suprema ang petisyon nina Edcel C. Lagman at iba pa (G.R. No. 271059) at bahagyang pinagbigyan ang petisyon nina Aquilino “Koko” Pimentel III at iba pa (G.R. No. 271347). Kinuwestiyon ng mga petisyon ang pagtaas ng mga unprogrammed appropriations na ginawa ng Kongreso sa ilalim ng 2024 GAA. Ayon sa Korte, labag sa Konstitusyon ang Republic Act No. 11975 o ang 2024 GAA dahil sa aktuwal na pagtaas ng kabuuang pondong inilaan ng pamahalaan ng PHP 449.5 bilyon.
Pinagbigyan din ng Korte Suprema ang petisyon ng Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement, Inc. at iba pa (G.R. No. E-02472). Idineklara nitong labag sa Konstitusyon ang Republic Act No. 12116 o ang 2025 GAA dahil sa PHP 17.99 bilyong pondo sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na idinagdag ng Kongreso. Dahil dito, tumaas ang kabuuang pondong inirekomenda ng Pangulo.
Samantala, idineklara rin ng Korte na ang PHP 12.75 bilyong dagdag na pondo sa mga Special Accounts in the General Fund (SAGF) ng ilang ahensiya ay labag sa Book VI, Chapter 4, Section 25 ng Administrative Code. Ipinagbabawal ng probisyong ito ang pagdaragdag sa mga halagang nakasaad sa mga espesyal na probisyon nang lampas sa mga halagang iminungkahi ng Pangulo.
Bahagya namang pinagbigyan ng Korte Suprema ang petisyon nina Edgar R. Erice at Leila M. De Lima (G.R. No. E-04036) na kumukuwestiyon sa pagiging naaayon sa Konstitusyon ng Chapter XLIII ng 2026 GAA na nagpapahintulot sa paglalaan ng unprogrammed appropriations.
Ayon sa Korte Suprema, hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations. Gayunman, kailangan itong magkaroon ng malinaw na mga limitasyon at pananggalang para matiyak ang maayos na pamamahala sa pananalapi ng pamahalaan, pagiging bukas sa publiko ng mga gastusin, at pananagutan sa paggamit ng pondo.
Nagiging labag sa Konstitusyon ang mga ito kapag walang sapat na pamantayan sa paggamit ng pondo at nagiging dahilan para magkaroon ang Ehekutibo ng halos walang limitasyong kapangyarihang gumastos. Maaari nitong pahinain ang disiplina sa pananalapi ng pamahalaan at maapektuhan ang pagpopondo sa mga proyektong nakatakda nang pondohan kapag hindi nakamit ang inaasahang kita ng pamahalaan.
Sinabi rin ng Korte na ang limitasyon sa kabuuang pondong maaaring ilaan ng pamahalaan, alinsunod sa Article VI, Section 25(1) ng Konstitusyon, ay sumasaklaw sa pinagsamang halaga ng programmed at unprogrammed appropriations.
Binigyang-diin nito na para maging naaayon sa Konstitusyon, dapat tumugon ang mga unprogrammed appropriations sa mga sumusunod na kondisyon:
a. Sa anumang pagkakataon, hindi dapat magkaroon ng mga lump-sum appropriation sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations
b. Bilang bahagi ng kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng pangangasiwang pambatas, at dahil magkaiba ang paggasta para sa pagtugon sa kakulangan sa budget at ang paggasta sa pamamagitan ng unprogrammed appropriations, dapat malinaw na maiba ang mga kondisyong namamahala sa paggamit ng bagong kita, gayundin ng karagdagang kita ng Pamahalaan mula sa mga pinagkukunan ng kita na hindi buwis, para sa mga nakaprograma at hindi nakaprogramang gastusin. Dapat ipagpalagay na ilalaan ng Kongreso ang mga bagong pondong ito sa mga nakaprogramang gastusin, maliban kung may malinaw at matibay na mga dahilan, gaya ng mga proyektong may tulong mula sa ibang bansa, para isama ang mga ito sa Unprogrammed Appropriations
c. Dapat magtakda ang Kongreso ng sapat na pamantayan sa kung ano ang uunahin sa paggasta kapag may higit sa isang layunin sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations
d. Dapat ang probisyon ay nasa loob ng pambansang programa sa pananalapi na itinatag sa budget at naaayon sa katangian nito bilang isang makitid na contingent na paglalaan
Permanenteng pinagbawalan ng Korte Suprema ang Senado, Mababang Kapulungan, Tanggapan ng Executive Secretary, at Acting Secretary ng Department of Budget and Management na ipatupad ang Special Provision 1(a) at (b), Chapter XLIII ng General Appropriations Act (GAA) para sa 2026.
Tungkol naman sa GAA para sa 2024 at 2025, sinabi ng Korte na naaangkop ang doktrina ng operative fact. Ibig sabihin, hindi ipapawalang-bisa ang mga good faith na nagawa alinsunod sa inaakalang may bisang batas. Gayunman, saklaw lamang ng doktrina ang mga hindi maibabalik na programa na ang mga benepisyaryo ay kumilos nang may mabuting hangarin (good faith). Hindi nito pinoprotektahan ang mga may-akda, nagpanukala, o nagpatupad ng mga naturang programa laban sa pananagutang kriminal, sibil, o administratibo, maliban kung tahasang matukoy ng mga kinauukulang hukuman o tribunal na kumilos sila nang may mabuting hangarin.













