Binigyang-diin ng International Criminal Court (ICC) na nananatili itong isang malaya at neutral na pandaigdigang hukuman matapos batikusin ni Vice President Sara Duterte ang institusyon at tawagin itong umano’y “lapdog” nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Senador Antonio Trillanes IV.
Sa kaniyang talumpati sa harap ng mga tagasuporta sa labas ng ICC headquarters sa The Hague, sinabi ni Duterte na ginagamit umano ang korte bilang instrumento laban sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng imbestigasyon sa “war on drugs.”
Mariin din niyang iginiit na labag sa Konstitusyon ang anumang hakbang ng ICC laban sa Pilipinas.
Bilang tugon, sinabi ni ICC spokesperson Oriane Maillet na ang tribunal ay isang international judicial institution na kumikilos batay sa mandato nito sa ilalim ng Rome Statute, nang walang kinikilingan at may ganap na judicial independence.
Nilinaw naman ng ICC na hindi na ito magbibigay ng komento sa mga personal na pahayag o batikos laban sa institusyon.
Nauna nang itinanggi ng Malacañang ang alegasyon ni Duterte at tinawag itong walang basehan. Samantala, sinabi ni Trillanes na hindi umano maaaring ituring na sunud-sunuran sa sinuman ang ICC.
Si Trillanes ay isa sa mga naghain ng communication sa ICC noong 2017 na humiling ng imbestigasyon sa umano’y libo-libong pagkamatay na iniugnay sa kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte.













